GENERAL SANTOS CITY – Patay na nang matagpuan sa imburnal ang isang bodegero na tumatayo rin bilang time keeper ng mga construction worker sa isang tinatayong commercial building sa Fernandez Street, Brgy. Lagao, lungsod ng General Santos, Martes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Reymart Pregoner, 26-anyos, residente ng Purok Tampuan Brgy. Tinoto, Maasim, Sarangani.

Batay sa salaysay ng mga kasamahan nito, inutusan silang maglagay ng tubo sa imburnal, subalit nabigla na lang sila nang makita ang bangkay ng biktima.

Napag-alamang nagpaalam umano ang biktima na uuwi sana ngayong araw sa kanyang pamilya sa bayan ng Maasim.

Sa ngayon ay may person of interest na umano ang pulisya kaugnay sa responsable sa pagpatay sa biktima, sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon.