Pinayuhan ni Agriculture Sec. William Dar ang publiko na bumili na muna ng iba pang uri ng isda bilang pamalit sa galunggong kasunod nang pagtaas ng presyo nito kamakailan.

Sa isang panayam, sinabi ni Dar na maaring gawing pamalit ng publiko ang tilapia at bangus sa galunggong.

“Meron namang [ibang] mga sources ng protein, mas mura pa, ‘yung tilapya at bangus. The same protein ay mas marami pa rito kesa galunggong,” ani Dar.

Sinabi ng kalihim na ang isang kilo ng tilapia ay nagkakahalaga lamang ng P120 hanggang P130 kada kilo, habang ang bangus naman ay P150 ang kada kilo.

Noong nakaraang linggo, ang presyo ng galunggong sa Mega Q Mart ay nagkakahalaga na ng P300 kada kilo mula sa dating P150 lamang.

Ayon kay Department of Agriculture spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes ang pagtaas ng presyo ng galunggong ay maaring bunsod ng closed fishing season, kung saan nagsimula nang mangitlog ang mga isda at hindi na pinapayagan muna ang pag-harvest ng mga ito.

Samantala, naniniwala naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ang pagtaas ng presyo ng galunggong ay maaring resulta na ng manipulasyon ng mga abusadong traders.