-- Advertisements --

Ikinabahala ng Department of Migrant Workers ang tila “produkto” na pag-aalok sa ilang Pinay sa social media na gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Nakasaad sa bio ng naturang social media account na ito ay isang kumpanya na naka-base sa Dubai at nagsu-supply umano ng mga Filipina health workers at domestic helpers sa ibang bansa.

Naglalaman ang naturang account ng mga video ng mga Pilipina na nakasuot ng kanilang uniform at binabanggit ang kanilang qualifications bilang housemaid, nanny, lady driver, caregiver o nurse sa ibang bansa.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, napakalaking concern nito sapagkat tila ibenebenta ng parang mga produkto online ang mga manggagawa na maaari pa aniyang maikonsidera bilang illegal job offer nang dahil sa kakulangan sa maayos na processing at lisensya.

Dahil dito ay agad na inabisuhan ng ahensya ang lahat ng ating mga kababayan na huwag papatol sa ganitong uri ng online job offers dahil na rin sa mga banta na maaaring idulot nito nang dahil na rin sa hindi nito pagdaan sa legal na proseso alinsunod sa umiiral na batas ng Pilipinas.

Samantala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang DMW sa meta platform inc. Hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng naturang online account. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)