Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Oklahoma City Thunder matapos talunin ang New Orleans Pelicans sa score na 126-109 nitong Lunes ng gabi (Nobyembre 17, 2025, oras sa US) sa Smoothie King Center sa Louisiana.
Pinangunahan ni Chet Holmgren ang Thunder sa kanyang 26 puntos, habang nag-ambag si Shai Gilgeous-Alexander ng 23 puntos para sa balanseng opensa ng koponan.
Nagpakitang-gilas din si Isaiah Hartenstein na nagtala ng 16 puntos, 7 rebounds, 6 assists, 4 steals, at 1 block, na tumabla sa kanyang career-high sa steals.
Sa panalong ito, nakamit ng Thunder ang kanilang ika-anim na sunod na panalo at 14 na panalo sa huling 15 laro, patunay ng kanilang matatag na porma ngayong season.
Samantala, ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Pelicans sa ilalim ng pamumuno ni interim coach James Borrego, na lalo pang nagpalala sa kanilang kalbaryo ngayong taon.
















