Kumamada ng 31 points si Paul George upang pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa 107-99 pagdiskaril sa Indiana Pacers.

Hindi rin nagpahuli sina Steven Adams na bumuslo ng 25 points at 12 rebounds, at si Russell Westbrook na may 17 points, 12 assists at 11 rebounds para sa kanyang ika-29 triple-double ngayong season.

Isinulong din ng Thunder ang 24-0 bomba, na pinakamahabang pag-atake na hindi naputol ngayong season, sa third quarter dahilan para hindi na maghabol pa ang koponan.

Dahil dito, itinala ng Oklahoma City ang krusyal na panalo, bunsod na rin ng pagkakabigo sa lima sa anim na laro.

Umiskor naman ng 28 points si Bojan Bogdanovic, at si Domantas Sabonis ng 18 points at 10 rebounds para sa Pacers.