Nag-isyu ang bansang The Netherlands ng isang National Identity Card para kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
Kung saan kinumpirma ng naturang abogado na kanya na itong nakuha at ipinagmalaki pang ito’y tunay at hindi gawa-gawa lamang.
Ginawa ni Atty. Harry Roque ang paglilinaw na ito kasabay ng pagkalat hinggil sa isyu at kalagayan ng kanyang asylum application sa bansang The Netherlands.
Kung saan hindi raw pinaburan o isinara na ng naturang bansa ang pagproseso sa aplikasyong asylum na agaran namang pinabulaan ng dating presidential spokesperson.
Giit niya’y ito ay isang halimbawa ng maling impormasyon at fake news lamang na siyang tatlong beses na umanong ginawa laban sa kanya.
Samantala kaugnay sa kanyang National ID card, siya’y mayroon ng maipepresentang ‘legal proof’ na nagpapatunay ng kanyang pagkakakilanlan.
Ibinigay aniya umano ang ganitong uri ng card sa mga asylum seekers kagaya niya na ngayo’y nananatili sa bansang The Netherlands.
Habang nasa proseso pa ang kanyang ‘asylum application’, maaring ituring na ‘valid’ ang kanyang ID sa loob pa ng anim na buwan.