-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ng Department of Health (DOH) na walang planong nakahanda ang pamahalaan para sa mass testing sa COVID-19.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni DOH Usec. Gerardo Bayugo na limitado pa sa ngayon ang maaring sumailalim sa COVID-19 test dahil sa hindi pa gaanong mataas ang testing capacity sa bansa.

Paglilinaw ito ni Bayuga matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque kamakailan na walang mass testing policy ang pamahalaan sa kasalukuyan at umaasa lamang sa private sector para sa COVID-19 test.

Ayon kay Bayugo, sa oras na makamit na ang target na 30,000 tests per day, maari nang ma-accomodate ang mas maraming indibidwal.

Kahapon, inanunsyo ng DOH na pumapalo pa lang sa 11,000 kada araw ang tests na kanilang naisasagawa magmula noong Biyernes, Mayo 15.

Kaya nananatiling pili ang maaring sumailalim sa COVID-19 test base na rin sa DOH Department Memorandum 2020-0151 kung saan prayoridad ang mga pasyente o healthcare workers na may severe at mild symptoms o travel history o exposure sa nagpositibo sa nakakamatay na sakit.