-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang terorista nang manlaban umano sa mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang suspek na si Saidon Kabot Nilong, isa umanong bomb expert ng AKP-Maguid Terrorist Group at residente ng Lapu, Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial director Colonel Arnold Santiago na maghahain na sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army at Rajah Buayan PNP laban kay Nilong.

Ngunit biglang nanlaban ang suspek at napatay ito ng mga sundalo kasama ang mga pulis.

May kasong murder at frustrated murder ang suspek na inisyu ng 11th Judicial Regional Branch 23 sa General Santos City

Narekober mula sa suspek ang ilang sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED), tatlong piraso ng M-16 magazine at mga kalahating sako ng fertilizer na pinaghihinalaang gagamitin sa paggawa ng bomba.

Sinasabing ang grupo ni Nilong ay sangkot sa extortion activities at pambobomba sa ilang bahagi ng Central Mindanao.