Umalma si three-division world champion Terence Crawford sa mga lumabas na report na hindi umano siya ang kinikilalang nangungunang pound-for-pound boxer sa buong mundo.
Kabilang sa lumutang para sa ilang mga experts na ang number 1 daw ay ang Japanese superstar na si Naoya Inoue na huling pinabagsak ang Pinoy boxing star na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Habang pumapangalawa naman ang popolar na Mexican boxer na si Canelo Alvarez.
Pero kinontra ito ng American undefeated champion na si Crawford.
Giit niya, bagamat mga pambihira ang mga naging laban nina Inoue at Alvarez, para sa kanya siya raw ang numero uno sa listahan ng pound-for-pound king.
Aniya, kahit pa raw “tanungin” ang mga tunay na die hard fan ng boxing ay sasabihin daw na si “Terence Crawford ang number 1.”
Kung maalala huling nakalaban ni Crawford ay si Shawn Porter na siya lamang ang tanging nakapagtala ng technical knockout win.
Samantala sa ngayon ay inaayos na raw ang posibleng super fight kay three time welterweight champion Errol Spence na kapag nangyari daw ay maitatala ang bagong kasaysayan.