Pumalag si House Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa anunsyo ng Department of Education (DepEd) na sa Agosto 23 ang napili nilang tentative date ng pasukan para sa School Year 2021-2022.
Hindi aniya makina ang mga guro at estudyante para bawasan at gawing anim na linggo na lamang ang pahinga ng mga ito mula sa dating sistema na umaabot pa ng dalawang buwan.
Kung titingnan, aabot sa 77 araw na ang overtime ng mga guro dahil sa pinalawig na working school year ngayong taon.
Hindi naman aniya tama na pagtrabahuhin ang mga guro sa loob ng 13 buwan na walang sapat na summer break.
Problema din kasi hanggang sa ngayon ang kawalan pa ng tugon ng DepEd sa apela ng mga guro patungkol sa kanilang leave benefits at overtime pay, ayon kay Castro.
Iginiit ng kongresista na lalo lamang mababawasan ang proportional vacation pay ng mga guro mula sa 80 days-worth sa tanging 59 na lamang.
Tama naman aniyang pinoprotektahan lang ng DepEDp ang karapatan ng mga kabataan sa pag-aaral, oero kailangan din na isipin ng kagawaran ang makabubuti sa mga guro.
Sa katunayan, mayroon na ngang epekto sa mental at physical health ng mga guro ang education community plan ng DepEd.
Magugunita na simula noong nakaraang taon ay blended learning ang sistema sa pag-aaral ng mga mag-aaral dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.










