BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ni Governor Melchor Diclas ang temporary lockdown sa pagpasok sa mga live pigs o buhay na baboy sa lalawigan ng Benguet.
Sinabi niyang ito ay pagkatapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga samples na kinuha mula sa mga baboy sa Camp 1, Tuba at sa Beckel, La Trinidad, Benguet.
Ipinaliwanag ni Diclas na hindi muna papagayang maipasok sa lalawigan ang mga live pigs mula sa ibang lugar para matiyak ang kaligtasan ng swine industry ng Benguet.
Inihayag ng gobernador na malaking problema ng lalawigan ang iligal na pagpasok sa mga baboy na walang kaukulang dokumento.
Una nang isinailalim sa culling ang halos 230 na baboy sa lalawigan pagkatapos makitaan ang mga ito ng sintomas ng ASF.
Kaugnay nito ay hinigpitan na ang quarantine protocols sa mga kalsadang papasok sa Benguet para hindi maipasok sa lalawigan ang mga baboy na apektado ng ASF.