CAUAYAN CITY – Ang amihan o North East Monsoon ang nagdudulot ngayon ng nararamdamang malamig na temperatura, ayon sa Pagasa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAG-ASA DOST, Echague na patuloy na nakakaapekto ang North East monsoon sa Luzon habang ang Tail end of Frontal System ay nakakaapaketo sa silangan bahagi ng Visayas.
Dahil dito ay patuloy pa ring nakakaranas ng medyo maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan at malamig na temperatura sa lambak ng Cagayan.
Ang malamig na temperatura na dulot ng hanging amihan ay mararanasan hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero.
Ang pinakamalakas na mararanasan na epekto ng North East monsoon ay maaaring maramdaman sa kalagitnaan ngayong buwan ng Enero.
Kahapon, araw ng Linggo ay nakapagtala ng pinakamababang temperatura ngayong buwan ng Enero ang naitala sa Bayombong, Nueva Vizcaya 15.6 degrees celcius habang 18.2 degrees celcius sa Tuguagarao City at 18.4 degrees celcius sa Echague, Isabela.