CAUAYAN CITY – Naranasan ang ilang technical glitches sa isinasagawang absentee voting sa embahada ng Pilipinas sa Washington, DC.
Inaasahan kasi na aabot sa 35,000 absentee ballots ang hindi kaagad dumating kundi 10,000 lamang.
Ayon kay Bombo international news correspondent Jon Melegrito, sumulat na ang mga community leaders kay Ambassador Jose Manuel Romualdez upang hilingin na i-pressure ang Comelec na lutasin ang mga problema.
Maging ang akreditasyon umano ng mga monitorer na mag-oobserba sa pagbibilang ng mga balota ay nagkaroon ng isyu.
Marami ring botante raw ang hindi nakatanggap ng balota dahil hindi sila nakaboto sa nakaraang dalawang halalan kaya natanggal ang kanilang pangalan.
Mayroon ding nagpalit ng address na hindi inireport sa embahada.
Iniulat pa ni Melegrito, sa nasasakupan ng Washington DC ay may 150,000 na absentee voters.
Nagsagawa naman ng rally malapit sa embahada ang mga absentee voters na hindi pa nakatanggap ng kanilang balota para mabigyan sila ng guidance para makaboto.