Limitado na lamang sa home-based learning ang mga kursong iniaalok sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL) para sa mga Senior High School (SHS) students.
Sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na isa sa mga pagsubok na hinaharap ngayon ng kagawaran dahil sa COVID-19 pandemic ay ang implementasyon ng SHS, lalo na ang mga estudyante na naka-enroll sa TVL courses.
Base aniya sa initial reports mula sa mga rehiyon, isiniwalat ni Umali na ang mga kursong iniaalok na lamang sa ilalim ng TVL strand ay limitado sa home-based o yung mga bagay na pwede na lang gawin sa loo ng kanilang mga bahay.
Halimbawa na lamang ang pagluluto, handicraft, bread and pastry, Information and Communications Technology (ICT), at needle-craft.
Dagdag pa ni Umali na maraming kurso noon sa larangan ng pagkukumpuni ng sasakyan na hindi na maaari dahil kailangan ng malalaking makina at equipment para mangyari ito.
Maganda raw sana ang kursong ito dahil in-demand ito ngayon subalit hindi ito kasali sa kurso na maaaring kunin ng mg TVL students.
Bago pa mangyari ang pandemic, sa 291,000 Grade 12 SHS students na sumailalim sa assessment ay 267,561 ang pumasa at nakakuha ng certification rate na 91.8 percent.
Sa kabila nito, patuloy pa rin aniyang naghahanap ng paraan ang kagawaran upang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng programa.