Tila may panghihinayang si Taylor Swift matapos na hindi personal na nakadalo sa American Music Awards kung saan siya ay tinanghal bilang big winner.

Humakot kasi ng parangal ang “Shake It Off” singer kabilang ang “Favorite Pop Rock Female,” “Favorite Music Video” at top prize na “Artist of the Year.”

Sa pamamagitan ng maiksing video ay nagpasalamat ito sa aniya’y fan-voted award kasabay ng paliwanag na abala lamang ito sa bagong pakulong awitin kaya “absent” sa seremonya.

“But I still feel really connected to you through the music and your reaction to folklore and all the ways your imagination honored that album. I just love you so much and I’m really lucky because of you,” saad ni Swift.

Nabatid na na-break ng 30-year-old Grammy-winning pop diva ang kanyang sariling record sa AMAs sa pamamagitan ng pagkakaroon ng may pinakamaraming panalo na umabot sa 32.

Bago siya, ang yumaong King of Pop na si Michael Jackson ang record-holder na mayroong 24.

Samantala, dahil sa coronavirus pandemic ay kapansin-pansin ang set up ng star-studded ceremony sa Los Angeles’ Microsoft Theater partikular ang pag-obserba sa social distancing.

Nakasuot umano ng face mask ang ibang backup dancers, at hiwa-hiwalay ang audience bagama’t todo hiyawan pa rin sa announcement of winners.

Nariyan din ang “social distanced performances” nina Justin Bieber, Jennifer Lopez, Nelly at Doja Cat. (USAToday)