BAGUIO CITY – Patay ang isang taxi driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kagabi sa Kias, Baguio City.

Nakilala ang biktima na si Johnherr Danang Omli, 50-anyos, residente ng Kias, Baguio City.

Ayon sa pulisya, minamaneho ng testigong si Julius Wakit ang kanyang pampasaherong jeep sa Aguinaldo Drive ng Barangay Kias nang makita ang mabagal na takbo ng taxing minamaneho ng biktima patungo sa sentro ng lungsod.

Nag-overtake si Wakit sa taxi at nakita ang wala nang malay na biktima.

Nakayuko na si Omli at nakahilig pakanan habang patuloy ang mabagal na pag-usad ng taxi.

Naliligo na rin sa sariling dugo si Omli ayon kay Wakit kaya niyang itinabi ang kanyang jeep para tulungan ang biktima.

Pinalitan ni Wakit ang biktima sa taxi at dinala niya ito sa Baguio General Hospital and Medical Center.

Gayunman, tuluyang pumanaw si Omli habang ginagamot matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib at sa kanang braso.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para sa pagkakakilanlan ng suspek, gayundin ang motibo sa krimen lalo pa at walang nawala sa mga gamit ng biktima.