-- Advertisements --

Sinuportahan ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ang pagtanggal sa puwesto kay Engr. Loreto C. Balena Jr., Maintenance Chief ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office (LMDEO).

Ayon kay Santos, tama ang naging desisyon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Public Works Secretary Vince Dizon dahil sa umano’y mabagal na pagtugon ng LMDEO sa panahon ng kalamidad at kapabayaan sa tungkulin.

“Tama ang ginawa nina Pangulong Marcos at Secretary Dizon. Ang mga opisyal na nagpapabaya sa kanilang tungkulin ay hindi dapat manatili sa puwesto, lalo na kung kaligtasan ng publiko ang nakataya,” ani Santos.

Binigyang-diin ng mambabatas na mahalaga ang mabilis na pagkilos ng mga ahensyang responsable sa flood control, drainage, kalsada, tulay at iba pang imprastraktura, lalo na tuwing may kalamidad.

Sinabi rin ni Santos na ang posisyon sa gobyerno ay isang responsibilidad at dapat may pananagutan ang mga opisyal na hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.

Nanawagan siya sa iba pang ahensya ng pamahalaan na pairalin ang disiplina, mabilis na pagtugon at pananagutan sa serbisyo publiko.