Nanawagan si Las Piñas Lone District Rep. Rep. Mark Anthony Santos sa mga social media company na palakasin ang age verification, parental controls at transparency sa kanilang recommendation algorithms.
Hinimok din ng mambabatas ang Kongreso na suriin ang mga kasalukuyang batas upang mas mapanagot ang mga platform sa mapanganib na content na naaabot ng mga bata.
Suportado ni Santos ang paglilimita sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 14 taong gulang at mas mahigpit na parental controls para sa edad 14 hanggang 17.
Nagbabala rin ang mambabatas na mas nagiging mahirap para sa mga bata at kabataan na makaiwas sa mapanganib at ilegal na content sa social media dahil sa mga algorithm ng mga platform.
Ayon kay Santos, awtomatikong nagrerekomenda ang mga algorithm ng content batay sa mga pinapanood, hinahanap at ini-interact ng mga user.
Dahil dito, maaaring paulit-ulit na lumabas sa screen ng mga menor de edad ang content tungkol sa ilegal na droga, sugal, pornograpiya, karahasan at self-harm kahit hindi nila ito sadyang hinahanap.
Sinabi rin ni Santos na ginagamit ng mga sindikato ng droga ang social media, pekeng account at private messaging para makalapit sa mga kabataan. Kabilang dito ang tinatawag na “dead drop,” kung saan iniiwan ang ilegal na droga sa isang lugar at ipinapadala sa tatanggap ang lokasyon nito sa pamamagitan ng mensahe o larawan.










