Bumaba ng mahigit 10 percent noong 2020 ang nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa pulong ng House Committee on Ways and Means nitong umaga, sinabi ni BIR Commissioner Arnel Guballa na P1.956 trillion halaga ng buwis ang nakolekta nila noong nakaraang taon.
Ayon kay Guballa, mas mababa ito ng P230.14 billion o 10.53 percent kung ikukumpara sa P2.186 trillion na nakolekta naman noong 2019.
Base sa kanilang report, P1.045 trillion halaga ng buwis ang kanilang nakolekta noong 2020 pagdating sa income taxes, pero mas mababa ito ng halos 10 percent kumpara sa P1.155 trillion sa nakalipas na taon.
Kabilang sa mga dahilan na sinabi ng BIR kung bakit bumaba ang mga nakolektang buwis ay dahil sa pagsara ng mga negosyo sa gitna ng lockdown period.
Bagama’t bumaba nga ang kanilang tax collection noong 2020, nalampasan pa rin naman ng bureau ang kanilang goal na P1.685 trillion.