-- Advertisements --
Tauhan ng BFP arestado sa promotion for sale modus

Arestado ngayon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection nang dahil sa pagkakasangkot sa promotion for sale o pagbebenta ng posisyon sa kanilang hanay.

Kasunod ito ng ikinasang entrapment operation ng CIDG Anti-Organized Crime Unit, kasama ang Intelligence Division and Investigation Division ng Bureau of Fire Protection sa harapan ng isang mall sa Alabang, Muntinlupa city.

Ayon kay CIDG Director PMGen Romeo Caramat Jr., ito ay matapos na makarating sa kanilang tanggapan ang reklamo laban sa suspek nang dahil sa panghihingi nito ng lagay sa mga nagnanais na makapasok at makakuha ng puwesto sa bfp sa halagang PHP200,000.

Nakuha mula sa suspek ang isang itim na belt bag, isang BFP identification card, isang mobile phone, at isang boodle money na agad na isinurender naman sa tanggapan ng cidg para sa proper documentation at disposition.

Dahil dito ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Estafa in relation to Cybercrime law.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang panawagan ngayon ng PNP-CIDG Dir. Caramat sa publiko na huwag basta-basta magpadala sa ganitong uri ng mga modus, kasabay ng babala sa mga mapagsamantalang indibidwal na gumagawa ng ganitong uri ng mga panlilinlang sapagkat hindi aniya mapapagod ang kanilang mga operatiba sa pagtugis sa mga sangkot sa ganitong uri ng gawain.