Pagaganahin na ng Philippine National Police (PNP) ang “Task Force Manila Shield” simula June 28,2022, tatlong araw bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa June 30,2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP DO chief M/Gen. Val De Leon kaniyang sinabi na ilang “finishing touches” na lamang ang kanilang isinasagawa pero all systems go na ang PNP.
Sinabi ni De Leon may natatanggap kasi silang mga impormasyon na kasalukuyang bina-validate na ng intelligence community kaya dapat lamang maging maingat sila.
Mahigpit na seguridad ang ipatutupad ng PNP kasama na dito ang pagtalaga ng mga checkpoints sa lahat ng mga entry at exit points ng NCR partikular sa bahagi ng Maynila.
Napag-alaman kasi na may mga militanteng grupo sa Tarlac ang nag-o-organize nang kilos protesta.
Ayon kay De Leon, magiging mahigpit ang pagbabantay sa mga checkpoint at hindi basta-basta makakapasok ang sinuman sa Metro Manila lalo at kwestiyunable ang pagtungo nito sa Maynila.
Layon kasi ng PNP na maharang ang mga magtatangkang manggulo sa mismong araw nang inagurasyon.
Dagdag ni Del Leon pinapayagan lang ang mga raliyista sa mga Freedom Parks pero kung sila ay lalampas sa mga lugar na ipinagbabawal ang rally nakahanda aniya ang mga pulis na rumesponde kasabay nang pagtiyak na paiiralin ang maximum tolerance sakaling may mga magpumilit na mga raliyista.
Bukas naman daw ang PNP na makipagdayalogo sa mga magpaplanong magsagawa ng kilos protesta para pag-usapan ang kanilang planong rally nang sa ganon ito ay maging organisado ay payapa.
Sa kasalukuyan walang serious threat na natatangap ang PNP.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa MMDA at Manila LGU para sa traffic rerouting sa inagurasyon.
Paliwanag ni De Leon, batid nilang busy road ang palibot ng National Museum kaya sinisikap nilang walang maging problema sa inagurasyon.
Kasunod nito, umapela siya ng pang-unawa para sa mga maapektuha ng rerouting.
Pinaalalahanan ni De Leon ang publiko sa mga ipatutupad na regulasyon ng mga otoridad sa araw ng inagurasyon.