Sunud-sunod pa rin ang mga ulat na natatanggap ng Task Force Kontra Bigay ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa mga reklamo ng vote buying at vote selling.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na national at local elections na isinasagawa sa buong Pilipinas.
Ayon kay Task Force Kontra Bigay Head, Commissioner Aimee Ferolino, hanggang sa mga sandaling ito ay marami pa rin na mga botante at private citizen ang nagpapadala sa kanila ng mga video at larawan ng kanilang mga reklamo sa pamamagitan ng kanilang facebook page.
Nilinaw ni Ferolino na upang mabigyan ng komisyon ng kaukulang aksyon ang nasabing mga reklamo ay kinakailangan pa rin na magsumite ng mga ito ng verified complaint affidavit bilang support document sa kanilang mga reklamo.
Isinanguni na rin aniya sa National Prosecution Service ang ilan sa mga complaint habang may mga nakatalaga na rin aniya na IBP at LENTE legal officers at volunteers sa field upang magbigay naman ng assistance sa paghahanda ng mga iba pang mga reklamo.
Samantala, bukod dito ay humingi na rin ng tulong sa Philippine National Police (PNP) ang nasabing task force upang agad na ma-aksyunan naman ang mga huli sa akto na mga gawain na may kinalaman sa vote buying at vote selling.
Muli namang ipinaalala ni Ferolino na tanging sa kanilang official email address at Facebook page lamang sila tumatanggap ng mga ulat sa kadahilanang hindi raw nila kaya na i-accomodate ang lahat ng mga tawag sa buong bansa.