-- Advertisements --

Nakatakda raw bumuo ang bagong talagang Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. na si Ivan Uy ng task force at complaint center para tugunan ang mga text scams at illegal sites.

Sinabi ni Uy na kinakailangan itong mabuo para mapalakas ang pagsawata sa cybercrimes.

Sinabi nitong agad daw nilang inatasan ang kanilang mga field personnel para agad mag-imbestiga at i-report ang patuloy na operasyon ng e-sabong o online cockfighting websites.

Dahil na rin daw sa utos na pagpapatigil na sa online sabong, hinahabol na raw ng DICT kung anong mode ang ginagamit para maipagpatuloy ang operasyon nito.

Maliban dito, magtatayo rin daw sila ng central complaint center kung saan pwedeng i-consolidate ang mga reklamo laban sa mga text scams.

Malaki raw namang tulong kapag maipasa sa 19th Congress ang SIM Card registration Act.

Ibinahagi rin ni Uy na pinaplano na nila ang paglulunsad ng call center na tatanggap sa mga reklamo na may kaugnayan sa serbisyo ng mga telecommunication providers.