-- Advertisements --

Nagpalitan ng maaanghang na pahayag si Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine (WPS) Sea Rear Admiral Jay Tarriela at Davao City Representative Paolo ”Pulong” Duterte kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.

Sa isang Facebook post, tinanong ni Tarriela kung bakit siya ang pinupuna ni Rep. Pulong sa halip na ang China, na aniya’y patuloy na nangha-harass sa mga Pilipino sa WPS.

“Honorable Paolo Duterte, grabe naman ang haba ng post mo, at parang may personal kang galit sa akin. Bakit ako ang kinagagalitan mo, gayong China ang nangigipit sa mga Pilipino. Parang magkakampi pa kayo—pareho kayo ng linyahan. Pro-China ka ba, Sir?” Tugon ni Tarriela sa isang post noong Miyerkules ng gabi.

Itinanggi rin ni Tarriela ang paratang na tumatanggap siya ng buwanang P10 million ayuda at hinikayat ang mambabatas na huwag umanong magpakalat ng maling impormasyon.

“Walang 10 million akong “ayuda.” Pero kumusta naman ang P51 billion na binanggit ni Usec Cabral noong nakaraang taon? Naubos na ba? Maraming naghahanap, lalo na’t bumaha na naman sa Davao. Huwag kang mag-alala— kukwestyunin rin yan balang araw,” post pa ng spokesperson for the WPS.

Bago ito, pinuna ni Rep. Duterte si Tarriela dahil umano sa madalas nitong media interviews sa halip na pagtuunan ng pansin ang diplomatic channels ng pamahalaan sa China.

Aniya hindi lahat ng sigalot sa pagitan ng mga bansa ay dapat idaan sa media.

“Hoy Tarriela…kung nag-aral ka ba naman nang mabuti sa PMA (Philippine Military Academy), alam mo sigurong may tinatawag tayong diplomatic channels. Hindi lahat ng usapin sa pagitan ng mga bansa ay dinadaan sa media interviews at sound bites. May diplomacy. May statecraft. May tamang paraan ng pagprotekta sa pambansang interes,” post ni Rep. Pulong sa FB noong Miyerkules.

Bilang tugon, sinabi ni Tarriela na nagpapatuloy ang diplomatic relations ng Pilipinas at China, ngunit mahalaga rin aniyang ipaalam sa publiko ang tunay na nangyayari sa WPS.

Binigyang-diin din niya na ang China umano ang lumalabag sa karapatan ng Pilipinas, alinsunod sa 2016 Arbitral Award at sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

“Diplomacy daw? Sino ang nagsabi sa iyo na wala na tayong diplomatic engagement sa China? Ang mismong presence ng kanilang embahada at consulate offices dito ay patunay na tuloy-tuloy ang ating diplomatic relations,” pahayag ni Tarriela.

“Huwag kang malito: China ang may sariling interpretasyon ng mga insidente, ng UNCLOS, at ng 2016 Arbitral Award— hindi ako. Ang ginagawa ko lang ay ilahad sa publiko ang totoong nangyayari sa WPS,” dagdag niya.

Samantala, nilinaw naman ni Rep. Pulong na ang kanyang panawagang huwag i-“demonize” ang China ay hindi nangangahulugang kinakampihan niya ang Beijing.

“Ang sinabi kong huwag i-demonize ang China ay hindi ibig sabihin niyan na kinakampihan ko ang China o isinusuko ang ating soberanya sa West Philippine Sea,” wika ng kongresista.