-- Advertisements --

Namayagpag ang pambato ng Pilipinas na si Tarah Valencia sa preliminary evaluation ng Miss Supranational 2025, na ginanap nitong Hunyo 25, kung saan ipinamalas niya ang ganda, kumpiyansa, at karisma sa harap ng international judges.

Sa Confidence Round, suot ni Valencia ang isang tangerine cutout one-piece swimwear na likha ng kilalang Filipino designer na si Boom Sason, kung saan lutang ang kanyang hubog at tindig.

Sumunod naman siyang lumakad sa Elegance Round suot ang isang skin-tone mermaid cut gown na may puting tulle sa palda at floor-length arm drape, disenyo ni Larry Espinosa, isa ring Filipino designer.

Sa kanyang Instagram post, inilarawan ni Valencia ang sarili bilang “Like grace that glides on water. A swan with white wings and quiet strength.”

Bago pa ito, kabilang din siya sa mga nanguna sa SupraModel competition, kung saan tampok ang mga kandidata mula sa Asia at Oceania.

Si Valencia, 23 taong gulang, ay umaasang maiuuwi ang ikalawang Miss Supranational crown para sa Pilipinas.

Nakatakdang gaganapin ang coronation night sa Malopolska, Poland sa Hunyo 27 (Hunyo 28 sa oras ng Maynila).