-- Advertisements --

May good news mga ka-bombo at ka-starnation dahil bahagyang makakahinga ang ating mga bulsa sapagkat iniulat ng Manila Electric Company na posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng kuryente ngayong buwan ng Marso 2024.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, lumalabas sa kanilang initial indications ang mas mababang generation charge ngayong buwan Marso.

Ito aniya ay dulot ng improved power supply situation sa Luzon grid nang dahil sa muling pagpapatuloy ng operasyon ng San Buenaventura power plant matapos itong sumailalim sa kaukulang maintenance operation.

Bukod dito ay nag-ambag din sa inaasahang mas mababang electricity rate ang refund ng incremental generation charges nang dahil sa pagtaas naman ng natural gas prices sa ilalim ng bagong gas sale and purchase deal.

Ngunit gayunpaman ay nilinaw pa rin Zaldarriaga na ito ay batay lamang sa kanilang initial indications at hindi pa aniya natatanggap ng Meralco ang billing mula sa kanilang mga supplier.

Kung maaalala, noong nakaraang buwan ay nagtaas ng household electricity rate ang Meralco sa Php57.38 kada kilowatt-hour para sa buwan ng Pebrero, na nagdala naman sa Php11.92 na halaga kada kilowatt-hour na overall rate para sa typical household mula sa dating Php11.34 kada kilowatt-hour na naitala noong Enero 2024.

Resulta ito ng pagtaas ng generation charge sa halagang Php45.52 nang dahil naman sa mas mataas na halaga ng kuryente mula sa mga Independent Power Producers, at Power Supply Agreements sa gitna ng pagtaas din ng paggamit ng imported liquefied natural gas. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)