Binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na dapat maging bahagi ng survey questionnaire ng Pulse Asia ang mga katanungan tungkol sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin dahil ang isinusulong na Charter change ay ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa pulong balitaan sa Kamara, ipinunto ni Garin na ang questionnaire ay nagbigay ng kalituhan sa mga respondent nito dahil hindi nakatuon ang ilang mga katanungan sa sa layunin ng kasalukuyang administrasyon na buksan ang ekonomiya sa mga dayuhang pamumuhunan.
Kabilang sa mga tanong sa questionnaire ang mga tanong tulad ng pabor o hindi sa mga sumusunod: pagpapalawig ng termino, pagpapalit ng gobyerno mula sa presidential tungo sa parliamentary, paglilipat mula sa bicameral tungo sa unicameral body, at pagbabago mula sa unitary system tungo sa federal system.
“Kung ikaw ang respondent, magrereact ka. But the bigger problem is that hindi naman ito ang mga pinag-uusapan sa Cha-cha ngayong adminstrasyong ito. Itong mga tanong na ito ay kaakibat nung Cha-cha na pinag-uusapan during the previous administration,” iginiit ni Garin.
Ayon sa survey ng Pulse Asia na ginanap noong Marso 6 hanggang 10, 48 porsyento ng mga respondente ang may ‘little knowledge,’ 27 porsyento ay ‘almost none or no knowledge at all’ habang 22 porsyento ang may ‘sufficient amount of knowledge,’ at 4 na porsyento lamang ay may ‘great deal of knowledge’ ng Saligang Batas.
Ang Senado at Kamara ay mayroong Resolution of Both Houses No. 6 at 7, kung saan iminumungkahi ang mga pagbabago sa Saligang Batas partikular na ang mga Artikulo Xll, XlV, at XVl.