CEBU CITY – Inihayag ngayon ni Talisay City Mayor Samsam Gullas na nakarekober na ang umuwing overseas Filipino worker (OFW) na residente ng Talisay City matapos nagpositibo ito sa bagong variant ng Coronavirus disaese 2019 (COVID-19).

Sa inilabas na statement ng alkalde kagabi, hindi pa dapat mag-panic ang nasasakupan nito dahil hindi nakatuntong sa nasabing lungsod ang 54-anyos na pasyente simula nang dumating ito sa Cebu noong nakaraang buwan.

Pagdating umano ng pasyente sa airport agad itong dinala sa malapit na hotel at doon na-quarantine habang hinihintay pa ang resulta ng swab test.

Nang nalamang nagpositibo ito sa panibagong variant ng virus, dinala ito sa pagamutan dahil may diabetes din ito.

Nakarekober naman ang nasabing pasyente nitong Pebrero 2 at nakauwi na sa bahay nito.

-- Advertisement --

Sa ngayon, patuloy naman ang pagbabantay ng mga local health officials upang hindi makakaapekto ang panibagong variant ng virus.