Umapela sa World leaders ang Taliban na makilahok sa high level debate sa pagdaraos ng United Nations General Assembly ngayong linggo sa New York City.
Ayon sa tagapagsalita ng United Nation na kasalukuyan pang ikinokonsidera ng mga miyembro ng credentials committee na kinabibilangan ng US, China at Russia ang kahilingan ng Taliban government.
Nauna rito itinalaga ng Taliban bilang Afghanistan UN ambassador si Doha-based spokesperson Suhail Shaheen.
Subalit sa ngayon sa ilalim ng polisiya ng UN, nananatiling kinikilala bilang Ambassador ng Afghanistan si Ghulam Isaczai ng Ghani administrasyon.
Inaasahang magbibigay ng pahayag sa huling araw ng UN General Assembly si Isaczai sa Setyembre 27 subalit ayon naman sa Taliban hindi na umano ito kinatawan ng Afghanistan at hindi na rin kinikilala ng ilang mga bansa bilang leader ng bansa si Ashraf Ghani matapos nitong lisanin ang Afghan government at magkanlong sa UAE.
Nitong Martes, hinikayat naman ng Qatar leader ang mga world leaders at inihayag na maaaring humantong sa polarisation ang pagboycott sa Taliban at aani lamang ito ng reaksiyon at mas mainam na magkaroon na lamang ng diyalogo.