Umapela si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema na magpalabas ng show cause order at pagpaliwanagin si Makati City Mayor Abby Binay kung bakit hindi ito dapat na patawan ng parusa matapos sabihin na hindi pa tapos ang kaso ng Taguig-Makati territorial dispute dahil mayroong itinakdang oral argument base sa natanggap nilang dokumento mula sa Kataas-taasang hukuman na lumabas na hindi totoo at gawa gawa lamang.
Ang mosyon na inihain ni Cayetano sa SC ay Extremely Urgent Manifestation with Motion Ad Cautelam, isa itong legal remedy para sa agarang aksyon ng SC upang maitama ang mapaglinlang na pahayag at maiwasan ang anumang problema na maaaaring idulot nito,
Ang hakbang ni Cayetano ay bilang reaksyon sa media interview ni Binay kung saan sinabi nito na hindi pa tapos ang laban sa Taguig-Makati territorial dispute , sa katunayan ay nakatanggap ng kautusan ang Makati Legal Team mula sa SC na nagtatakda ng isang oral argument para sa kaso.
Sinabi ni Cayetano na walang natanggap na kautusan ang Taguig kaya nagtungo sa SC si Atty Warren San Jose ng Taguig Legal Office para magberipika, dito nilinaw ng SC-Third Division na syang may hawak ng kaso, na walang order o resolusyon na ipinalabas at walang katotohanan na nagtakda ng oral argument.
“In view of the improper conduct of City of Makati and Mayor Binay, who herself is a member of the Philippine Bar and answerable to the Honorable court, it is most respectfully prayed that the Honorable court investigate this troubling claims made by Mayor Binay to show cause why they should not be sanctioned,” nakasaad sa mosyon ng Taguig.
Ang pahayag ni Binay ay kinontra din ni SC Spokesman Atty Brian Keith Hosaka, aniya, walang oral arguments para sa Taguig-Makati dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso noong Setyembre 28, 2022 na pinagtibay ng SC ang nauna nitong desisyon noong Disyembre 1, 2021.
Sa ilalim ng court rules, ang kaso na naipasok na sa SC Book of Entries of Judgments ay nangangahulugan na ang kaso ay hindi na maaaring iapela o irebisa.
Ang mga pahayag ni Binay na hindi pa tapos ang laban sa territorial dispute ay tumugma din sa mga naglalabasang social media posts mula sa mga residente ng Makati, sa mga kumakalat na posts ay sinasabing nakausap na ni Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Chief Justice Alexander Gesmundo na nangakong tutulong para mabuksan muli ang kaso.
“While such social media post could have been dismissed as nothing more than ‘fake news,’ an interview with Mayor Abigail Binay subsequently surfaced which echoed the same message that the fight is allegedly not yet over. Respondent City of Taguig is committed to defending the integrity and honor of the Honorable Court and judicial processes and does not believe in these claims. But that petitioner City of Makati can stoop so low in its tactics to force the hand of the Honorable Court at a resolution cannot be discounted. Petitioner City of Makati should not be allowed to continue its misconduct,” ayon sa pa sa mosyon.
Kinastigo din ng Taguig ang paghahain ng ikalawang motion for reconsideration ng Makati para sa kaso, ang ikawalang motion for reconsideration ay hindi pinapayagan sa mga kasong mayroon nang pinal na desisyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nilabag ng Makati City ang rules of court, noong 2016 ay hinatulan itong guilty ng SC sa forum shopping matapos magkasunud na maghain ng kaso sa dalawang magkahiwalay na korte ukol sa land dispute kung saan pinagmulta ang kanilang mga abogado.
Sa panayam kay Cayetano matapos ang paghahain nito ng mosyon sa SC sinabi nito na malinaw ang desisyon ng Kataas taasang hukuman at ito ay dapat igalang.
“Final na ang decision ng Korte Suprema tungkol sa kasong ito at bilang mga responsableng mga opisyal ng aming mga respective local government units, katungkulan na namin na una, payapain ang kalooban ng aming mga kababayan dahil ang desisyon na ito, obviously, ay magdudulot ng maraming katanungan, agam-agam, pangamba lalo na sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati,” ani Cayetano.
“Gusto ko po ipahayag bilang mayor ng Taguig na wala sa aming intensiyon na may maantala na serbisyo publiko sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati. Ang intensiyon po namin ay agarang pag-aralan na kung paano magsisimula sa transition dahil ultimately, kapakanan ng mga residente ang pinakamahalaga,” dagdag pa ng alkalde.
Iginiit ng alkalde na handa ang lokal na pamahalaan ng Taguig na itake-over ang 10 barangay na dating nasa Makati ngayong taon.