BOMBO DAGUPAN – Nagsisilbing tapunan ng mga bomba.
Ito ang binigyang diin ni Vhanz Pornel, ang Bombo International News Correspondent sa Israel na kasalukuyang nasa syudad ng Ashkelon kung saan 10 hanggang 20 kilometro ang kanilang layo sa Gaza.
Hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng closed military zone ang Ashkelon kung saan nakaposisyon ang kanilang militar sa border upang i-monitor kung sinu sino ang mga lumalabas at pumapasok ng kanilang lugar.
Marami na rin aniya sa mga residente rito ang lumikas at dahil sa nagpapatuloy na sagupaan, mas lumawak aniya ang area sa hilagang parte na nangangailangan ng paglikas.
Kaugnay nito, kasalukuyan na rin aniyang naghahanda ang Israel para sa gagawin nitong pagbawi sa mga teroristang Hamas kung saan ngayon ay nasa alert level 2 na aniya ang kanilang bansa.
Sinisikap naman aniyang ipunin ng Philippine Embassy sa Israel ang mga lider ng Filipino community upang magkaroon ng koneksyon sa bawat Pilipinong naroroon para sa repatriation.










