Marami pa ring mga Pilipino ang patuloy na sinusunod ang mga hakbang para makaiwas sa COVID-19, base sa resulta ng isinagawang national mobile phone survey ng Social Weather Stations.
Base sa SWS survey na isinagawa mula Hulyo 3 hanggang 6, natukoy na 76 percent adult Filipinos ang nagsabi na palagi silang gumagamit ng face mask tuwing lumalabas ng bahay, 65 percent ang madalas na naghuhugas ng kanilang kamay sa loob ng isang araw, at 59 percent naman ang sumusunod sa physical distancing kapag nasa labas ng bahay.
Isinagawa ang naturang survey matapos na niluwagan ng pamahalaan ang community quarantine protocols sa maraming lugar sa bansa noong Hulyo 1.
Halos walang pagbabago ang resulta sa survey na ito kung ikumpara naman sa survey na isinagawa noong Mayo kung saan 77 percent ng mga Pilipino ang nagsabi na sila ay palaging sumusuot ng face mask, at 68 percent naman ang madalas na naghuhugas ng kamay.
Subalit bumaba naman ng 5 points mula sa 64 percent ang nagsabing sinusunod nila ang protocol hinggil sa physical distancing.