Epektibo na ngayong araw, Nobyembre 5, ang Executive Order No. 43 ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia kung saan inalis na ang swab test bilang requirement sa mga biyaheng pupunta sa Cebu.
Kapag nag-check in ang mga ito sa kanilang mga flight, kinakailangan lamang na ipakita ang kanilang mga tiket at pasaporte o anumang valid ID’s.
Sa mga biyaherong fully vaccinated, hindi na required na magpresenta ang mga ito ng anumang COVID-19 test gaya ng RT-PCR o Antigen.
Gayunpaman, ang mga hindi pa nabakunahang travelers ay hinihikayat na kumuha ng Rapid Antigen Test sa loob ng dalawampu’t apat na oras bago umalis patungong Cebu o maaaring magpatest nang libre pagdating sa Mactan Cebu International Airport.
Binigyang-diin ng EO na “hindi kinakailangan ang isang Rapid Antigen Test Result bago sumakay para sa mga biyaherong patungo sa Cebu.”
Samantala, naglabas na ng EO ang gobernador na opsyonal na ang paggamit ng face mask sa indoor at outdoor spaces ng lalawigan.
Ngunit mananatili pa rin ang pagsusuot nito sa loob ng mga healthcare facilities, medical transport vehicles, at public transportation.
Matatandaan, si Garcia ang kauna-unahang local executive sa bansa na nagpatupad ng opsyonal na pagsusuot ng face mask sa open spaces nang maglabas ito ng EO noong unang bahagi ng Hunyo.