-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga otoridad na nakapaghain na ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan ang driver ng SUV na responsable sa pagkakasawi ng dalawang pasahero sa malagim na Car Crash sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan.

Aabot sa P100,000 na piyansa ang ipinataw ng Pasay City Regional Trial Court sa 47 anyos na lalaking driver para sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple serious physical injuries at damage to property.

Ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Eric Ines, kailangan nilang tumalima sa utos ng korte matapos na matanggap ang Pasay court bail order.

Sinabi rin ng PNP Aviation Security Group na natanggap na nila ang kautusan mula sa korte .

Sila ang nanguna sa imbestigasyon ng insidente na nagresulta sa pagkakasawi ng apat na taong gulang na batang babae at 29 anyos na lalaki sa departure entrance area ng NAIA Terminal 1.

Una nang nanindigan ang driver ng SUV na aksidente ang nangyari at hindi niya sinasadya ang pangyayari.

Nagnegatibo naman ang nasabing driber sa paggamit ng ilegal na droga at alcohol .