-- Advertisements --

Sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run incident na ikinasugat ng isang Highway Patrol Group (HPG) officer sa South Luzon Expressway (SLEX) sa San Pedro, Laguna, ayon sa pulisya.

Ayon kay HPG Director PBGen. Romel Batangan, ang 21-anyos na Filipino-Indian national ay kusang-loob na sumuko sa HPG noong Martes, ilang araw matapos ang insidente noong Hunyo 6.

Nauna nang natunton ng mga awtoridad ang SUV na umano’y ginamit sa insidente sa Antipolo City, batay sa isinagawang imbestigasyon.

Sa paunang salaysay ng driver, sinabi niyang nag-panic siya matapos niyang aksidenteng mabangga ang pulis habang nag-o-overtake sa kahabaan ng expressway, kaya umano siya umalis sa pinangyarihan ng insidente.

Ang HPG officer na nabangga ay kaagad na dinala sa ospital para gamutin ang tinamong pinsala.