Arestado ng mga tauhan ng AFP at PNP ang principal suspect sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. kung saan tatlong mga police escorts at isang drayber nito ang namatay Pebrero nitong taon.
Hindi na nagawa pang tumakas ng nasabing suspek matapos maharang sa ikinasang checkpoint sa Sitio Morales, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Colonel Andre Santos, ang 1st Mechanized Infantry Brigade Commander, na ang nahuling suspek ay kinilalang si Lomala Baratumo, alyas Commander Lomala, 42-anyos na may standing warrant of arrest sa kasong murder kung saan walang inirekomendang pyansa ang 12th Judicial Region, Branch 8, Marawi City.
Sa ulat ng mga otoridad, ang naturang suspek ay No.5 Most Wanted Person ng PRO BARMM at No.1 Most Wanted Person ng Lanao del Sur.
Kaagad na isinailalim sa kustodiya ng South Cotabato Provincial Police Office ang suspek at itinurn-over sa Lanao del Sur Provincial Police Office para sa kaukulang disposisyon.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pasasalamat si Gov. Mamintal Adiong Jr. sa pagsusumikap ng lahat para sa pagkakadakip kay Kumander Lomala na halos naging mitsa ng kanyang buhay.