NAGA CITY – Patay ang suspek matapos na magpakamatay sa San Francisco, Quezon.
Kinilala ang suspek na si Francisco Aguila Macaraig, 61-anyos, residente ng Purok 4, Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bago magpakamatay ang suspek, ilang beses nitong pinagsasaksak ang asawa nito na si Melanie Ong Macaraig, 58-anyos, residente rin ng nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang nasa kusina ng bahay si Melanie ng bigla na lamang dumating si Francisco na may dalang kutsilyo at bigla na lamang pinagsasaksak ang biktima dahil umano sa selos.
Dahil dito nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan para sa asistensya medikal.
Samantala, matapos man na isagawa ang pananaksak, natagpuan na lamang ang katawan ni Francisco na nakabitay sa loob ng kaniyang bahay.
Sa ngayon, nagpapadagos pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.