DAGUPAN CITY — Patuloy ang isinasagawang maigting na paghahanap ng kapulisan ng Balungao sa suspek sa pananaksak ng isang 15-anyos na babae sa isang eskwelahan sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Balungao Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente kamakailan sa San Leon Elementary School, at batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, nagtungo lamang ang biktima sa nasabing paaralan upang samahan na kumain ang kanyang nakababatang kapatid, subalit bigla na lamang aniya itong pinagsasaksak ng suspek, na kinilalang si John Macoi Fontaina, 31-anyos, na umano’y stepfather ng biktima.
Aniya na nagkahabulan pa umano ang dalawa hanggang sa nahabol ng suspek ang biktima sa loob ng isang palikuran at dito na niya ito pinagsasaksak, kung saan ay nagtamo ang biktima ng limang stab wounds sa kanyang katawan.
Samantala, nakikita naman aniyang motibo sa krimen ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa sa kanilang tahanan dahil napag-alamang pinalayas ang suspek bago nangyari ang insidente.
Mabilis namang nakaresponde ang kapulisan kaya’t kaagad na nadala ang biktima sa pagamutan upang tumanggap ng atensyong medikal, subalit mabilis namang nakatakas ang suspek.
Nakita naman nila sa pinangyarihan ng insidente ang isang kitchen knife na may haba na pitong pulgada na ginamit sa krimen.
Kaugnay nito, nasa stable na kalagayan na ang biktima at kasalukuyan na lamang itong nagpapagaling.
Nakahanda na umano ang kasong Frustrated Murder at paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na kahaharapin ng suspek kapag nahuli na ito.
Panawagan naman nito sa publiko na kung may nalalaman sa kinaroroonan ng suspek ay ipagbigay alam sa kanilang himpilan upang mabilis ang pagkakahuli dito at harapin nito ang kasong ipinataw sa kanya.