CEBU CITY – Patay ang isang pulis na itinuturong suspek sa pananambang sa kapwa nito pulis na si Police Master Sergeant Junard Cinco sa lungsod ng Toledo, Cebu.

Sa isinagawang follow-up operation ng Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Branch (PIB), napaslang si Police Corporal Feliciano Yballe, Jr matapos umanong nanlaban sa mga operatiba.

Si Yballe ay aktibong pulis na miyembro ng Cebu City Mobile Forces Battalion ng Cebu City Police Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Alejandro Batobalonos, ang PIB head, sinabi nito na si Yballe ang itinuturong suspek sa krimen ng una na nilang nadakip sa isinagawang manhunt operation.

Ayon kay Batobalonos na una umanong nagpaputok si Yballe sa mga operatiba.

Napag-alaman na si Yballe ay nadestino noon sa Talisay City Police Station at na-relieve dahil sa umano’y isyu sa iligal na droga.

Ang lungsod ng Talisay ay naging tahanan ng big-time drug personality na si Steve Go na namatay noong Lunes ng gabi sa isinagawang operasyon at ang biktimang si Police Master Sgt. Cinco ang nag-serve ng warrant of arrest.