NAGA CITY – Nasa kamay na ng mga otoridad ang suspek sa likod ng naitalang pagsabog sa Barangay San Juan, Bato, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Andrew Alcomendas, hepe ng Bato-PNP, sinabi nito na nakilala nila ang suspek sa pangalang Joey Awa, 30, residente sa nasabing barangay.

Narekober aniya sa lugar ng pinangyarihan ang mga fragment ng granada at ang mismong pin nito.

Ayon kay Alcomendas, lumalabas sa imbestigasyon na pauwi na sana ang suspect sa kanilang bahay habang lango sa alak nang napagkatuwaan ito at pinagbabato ng mga teenager sa lugar.

Dahil sa galit, hinagisan aniya ni Awa ang naturang mga teenager ng granada.

Samantala, wala namang naitalang nasaktan sa naturang insidente.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspect ngunit patuloy pang inaalam kung saan nakuha ng suspect ang nasabing granada.