CEBU CITY – Arestado ang 20-anyos na lalaki sa isinagawang buy bust operation ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng PNP Cebu pasado alas-10:00 kagabi sa Barangay Mambaling, lungsod ng Cebu.

Narekober ng mga otoridad ang nasa 18 mga pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana sa suspek na si Sander Zulieta na tinatayang nagkakahalaga ng P70,000.

Ayon sa mga otoridad, matagal na rin na nasa kanilang plano na hulihin si Zulieta ngunit hindi ito matiyempuhan sa kanyang bahay.

Nang malamang nasa tahanan niya ito kagabi, saka na inilunsad ang operasyon laban sa suspek.

Inamin naman ni Zulieta na bumibili siya ng dahon ng marijuana sa bayan ng Balamban at lungsod ng Toledo sa Cebu.

Hindi naman nito sinabi kung sino ang kanyang supplier.

Sa ngayon, temporaryong naka-detain si Zulieta sa Mambaling Police station.