Pansamantalang pinigil ng Supreme Court (SC) ang substitution para sa pag-upo sa Kongreso ng P3PWD Partylist nominee na si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Ito ay makaraang maglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) upang pagbigyan ang petition na isinampa ng Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Marie Cardema at kanyang mister na si Ronald Cardema.
Ang P3PWD ay nakakuha ng isang upuan sa incoming 19th Congress.
Sinasabing ang limang orihinal na mga nominees ng P3WPD partylist ay nagsipag-resign at nagsumite sa Comelec ng bagong mga pangalan kasama na si Guanzon.
Bagay na pinuna ng Duterte Youth Partylist at kinuwestyon ang Comelec resolution na pumapayag kay Guanzon na maging substitute.
Samantala, hiniling ng mataas na hukuman kay Guanzon at Comelec na magkomento sa petisyon sa loob ng 10 araw.
Bilang reaksiyon sinabi naman ni Guanzon at Comelec susunod sila sa utos ng korte.
Sinabi rin ni Guanzon, na nanumpa na noong nakaraang linggo, naghain na rin daw siya ng Certificate of Proclamation sa House of Representatives noong nakalipas na Lunes.