viber image

Magdamag umanong mag-aabang ang mga supporters ni dating Sen. Bongbong Marcos sa kahabaan ng Padre Faura para abangan ang kalalabasan ng poll protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Bukas ay inaasahang isasalang na sa deliberasyon ng Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) sa election protest ni Marcos laban kay Robredo.

Posible ring maglabas na ang PET ng desisyon sa draft ruling na isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa na naglalaman ng resulta ng revision at recount ng mga boto sa tatlong tinukoy na probinsiya na pinili mismo ni Marcos sa kanyang protesta.

Kabilang dito ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Pansamantala namang isinara sa mga motorista ang Padre Faura na bantay sarado rin ng mga anti-riot police bukod pa sa programang isinagawa kanina dahil naman sa nalalapit na pagreretiro ni Chief Justice Lucas Bersamin.

Kapansin-pansin na karamihan sa mga supporters ni Marcos ay may mga edad na, nakaupo na sa kalsada habang hawak ang mga tarpaulin na nagsasabing si Marcos ang kanilang tunay na bise presidente.

Nagpakilala ang mga itong mga miyembro ng One Voice Philippines Movement at Bagong Bansang Masagana Pilipinas.

IMG 20191014 135122

Samantala, kanina ay muling dumulog sa kataas-taasang hukuman ang kampo ni Robredo.

Sa 23 pahinang manifestation na isinumite sa SC ng lead counsel ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, inihirit nilang panindigan at ilabas na ng Korte Suprema ang resulta ng manual recount at revision ng mga balotang sakop ng election protest ng dating senador sa tatlong pilot provinces.

Kasunod ng filing, sinabi ni Macalintal sa ipinatawag nitong press conference na dapat na sundin ng PET ang kanilang 2010 rules partikular na nag kinukuwestiyong “Rule 65”

Sa ilalim ng “Rule 65” ng PET, pinahintulutan ng tribunal ang kampo ni Marcos na pumili ng tatlong probinsiya na umano ay nagkaroon ng iregularidad sa halalan.

Base sa rule, kapag nabigo ang kampo ng nagpo-protesta na patunayan na nagkaroon ng malawakang dayaan sa tinukoy niyang probinsiya at nabigo na ipakitang malaki ang naging epekto nito sa kanyang nakuhang boto ay kailangang ibasura na agad ang poll protest.

Pero kapag nanalo ang protesta ni Marcos sa tatlong pilot provinces, dapat ay ituloy ang pagbibilang sa 39,221 clustered precincts mula sa 27 probinsiya at lungsod na tinukoy ni Marcos sa kanyang poll protest.