Nilinaw ng Department of Energy (DOE) na walang problema sa supply ng langis sa bansa ngayon sa harap nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pulong ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee ng Kamara, sinabi ni DOE Undersecretary Gerardo Erguiza na sasapat ng mahigit 40 araw ang supply ng langis ng mga oil companies sa bansa.
Hindi aniya problema ang quantity gayong patuloy pa rin namang nakakapasok ang langis sa bansa sa kabila ng mga pangyayari ngayon sa mundo, partikular na ang sa sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Erguiza, ang totoong problema sa ngayon ay hindi ang supply kundi ang napakataas na presyo na ipinapataw ng mga oil companies sa kanilang mg aprodukto.
Para sa opisyal, ang pinaka-ugat nang mataas na presyo na ito ay ang Oil Deregulation Law, na noong nakaraang linggo lang ay pinapa-review ng Malacanang sa Kongreso.
Isa ang pag-amiyenda sa naturang batas sa mga long-term interventions na nakikita ng DOE para mapahupa ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Bukod dito, nagpahayag din ang kagawaran ng suporta sa unbundling sa presyuhan gayundin ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax sa langis.
Nakikita rin nilang makakatulong ang pagkakaroon ng strategic reserve ng pamahalaan para matiyak ang minimum inventory requirement.