-- Advertisements --

Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na buo pa rin ang kanyang suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Senado.

Kasabay nito, pinapurihan niya ang mga sundalong nagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa bayan.

Todo rin ang paglilinaw ni Legarda na hindi siya pabor sa ano mang uri ng karahasan at terorismo.

Pabor aniya siya sa pagsusulong ng sinserong usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng grupo na naayon sa batas ng bansa.

Nanawagan din ang mambabatas sa publiko na makipagtulungan para sa pagsusulong ng iisang hangarin na magkaroon ng totoong kapayapaan sa bansa nang hindi idaraan sa karahasan.

Ginawa ni legarda ang paglilinaw na ito matapos ang interpellation niya kay senador Francis Tolentino noong nakaraang linggo na wala namang masama na makipagtrabaho sa mga miyembro ng makakakaliwang grupo.

Sinabi dito ng senadora na ang simpleng paniniwala sa mga polisiya at pilosopiya ng sinasabing makakaliwang grupo ay hindi nangangahulugan ng pagiging terorista.