-- Advertisements --

Lalong napagtibay ng Pilipinas ang posisyon nito sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Czech Republic.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Czech Republic President Petr Pavel na suportado nito ang Pilipinas sa kinakaharap na isyu sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Pavel sa kanilang bilateral meeting kay Pangulong Marcos ang kahalagahan sa paggalang sa rules-based order at pagsisiguro ng malaya at bukas na navigation sa lugar.

Ayon kay Speaker Martin Romualdez, tinalakay ng dalawang leader ang pagpapalakas sa kooperasyon sa iba’t ibang larangan gaya ng defense at cybersecurity pati na ang paggamit ng modernong teknolohiya.

Binigyang-diin ni Romualdez na makatutulong ang kooperasyon sa pagpapatatag ng defense capabilities ng Pilipinas, mapaiigting ang maritime security sa rehiyon at magkakaroon ng kontribusyon sa pagpigil sa mga banta sa soberanya at territorial integrity sa WPS.

Dagdag pa ni Speaker, malaking tulong ang mga defense companies sa Czech para masuportahan ang Re-horizon 3 phase ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program na nakatutok sa pagpapabuti sa archipelagic defense capabilities, kasama na ang pagbili ng barko, eroplano at radar systems.

Ipinunto din ni Romualdez na maituturing na “critical component” ng national security ang cybersecurity kaya mainam na gamitin ito sa pagprotekta sa critical infrastructure, sensitibong impormasyon at mapigilan ang cyberattacks na likha ng state-sponsored actors.

Dagdag pa ng lider ng Kamara, na maaari naman umanong mapalakas ang maritime domain awareness, intelligence gathering at disaster response sa pamamagitan ng artificial intelligence, surveillance systems at communication networks.