Tiniyak ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na sapat ang suplay ng COVID-19 vaccine na gagamitin para sa pagbabakuna ng ikalawang booster para sa mga prayoridad na immunocompromised.
Tinuran din ni NVOC chairperson Dr. Myrna Cabotaje na sapat ang mga bakuna para sa nagpapatuloy na pagbabakuna ng primary doses at unang booster.
Una nang inaprubahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang rollout ng second booster dose para sa mga immunocompromised persons base na rin sa rekomendasyon mula sa Health Technology Assessment Council.
Kabilang sa mga immunocompromised individual na maaaring makatanggap ng ikalawang booster ay ang mga may cancer, recipients ng organ transplants at HIV/AIDS patients.
Sa Lunes, Abril 25 sisimulan na ang pagtuturok ng ikalawang booster para sa mga immunocompromised person sa buong bansa.
Paglilinaw naman ni Duque na ang mga frontline workers at senior citizens ay hindi pa kasama sa pagrolyo ng second booster sa susunod na linggo.