-- Advertisements --

Mas mahalaga ang suplay ng tubig at kuryente sa Batanes kasunod ng naranasang lindol sa bayan ng Itbayat kahapon ng madaling araw na ikinasawi ng walong katao habang mahigit 60 ang sugatan.

Sa ngayon kasi ay wala pang kuryente sa Itbayat at pinagbawalan muna ang mga residente na kumuha at uminom ng tubig sa mga gripo.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) deputy administration for operations Asec. Casiano Monilla, nasa-full alert status ang buong Region 2 bunsod ng lindol.

Binigyang-diin ni Monilla na nakahanda na rin ang mga dagdag pang ipamamahaging family food packs at tubig para sa mga biktima ng lindol.

Sa katunayan dumating na ang unang batch ng mga relief goods sa Itbayat kabilang ang mga tents at gamot.

Kasalukuyang nananatili sa public market sa Barangay San Rafael ang mga inilikas na residente dahil hindi pa sila pinapayagan na makabalik sa kani-kanilang mga tahanan.

Ang Department of Health ang mangunguna sa pamamahagi ng mga gamot at hygiene kits, habang ang Department of Social Welfare and Development naman sa mga family food packs.