-- Advertisements --

NAGA CITY- Posibleng maging problema ngayon ang supply ng mga alagang baboy lalo na sa paparating na kapaskuhan sa Bicol Region.

Ito ay kaugnay ng patuloy pa rin na epektong dala ng African Swine Fever maging ng mga nagdaang kalamidad sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Emy Bordado, tagapagsalita ng Department of Agriculture Bicol, sinabi nito na posibleng magkaroon ng problema sa supply ng mga kakataying mga orig baboy.

Aniya, ito ay dahil sa mga naitalang recurrence at sa mga nahawaan ng ASF sa iba’t-ibang lalawigan gaya na lamang ng Camarines Norte sa bahagi ng Daet, Sta. Elena at San Vicente, sa Camarines Sur din bago dito ang sa bahagi ng bayan ng Ocampo at lungsod ng Iriga habang sa lalawigan ng Albay naitala naman ang ASF sa lungsod ng Ligao at bayan ng Oas.

Halos nasa 68.49 percent ngayon ang sufficiency level ng karneng baboy kung saan aabot sa 32 percent ang shortage nito sa buong kabikolan.

Ngunit ayon kay Bordado, para mapunan ang naturang kulang na bilang, kanilang ineendorso ang mga karneng manok bilang kapalit ng karneng baboy.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang kanilang depopulation sa mga lugar na may naitatalang ASF sa Bicol Region.