-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinalaw at binigyan ng regalo at insentibo ng mga opisyal ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Timothy Joseph Cayton ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang isang supercentenarian sa kanilang bayan na narating na ang 110 anyos .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Cayton dinalaw nilang supercentenarian na si Maria Manuel Atibew na nagdiwang ng ika- 110 NA kaarawan noong Disyembre 27, 2022 sa kanilang lugar sa Barangay Macabengan, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya

Ipinaliwanag ni Mayor Cayton na mayroon silang umiiral na ordinansa na pagbibigay ng insentibo sa mga octonegarian, nonegarian, centenarian at supercentenarian.

Hindi sila nakapagbigay noong 2020 at 2021 dahil sa lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Mayor Cayton, sa pagdalaw nila sa supercentenarian na si Ginang Atibew ay binigyan nila ng Christmas at birthday gift at Php30,000 na cash incentive.

Minomonitor nila ang mga senior citizen sa bayan ng Dupax del Norte lalo na ang limang tumuntong na sa edad na isang daan.

Prayoridad nila aniya ang kapakanan ng mga senior citizen lalo na ang mga hindi nabibigyan ng social pension.

Mayroon silang pondo para mabigyan ng insentibo ang mga matatanda mula sa kanilang lokal na pondo.

Sinabi ni Mayor Cayton na batay sa kanilang umiiral na ordinansa mula noong 2019, ang senior citizen na tumuntong na sa walumpong taong gulang ay mayroon nang matatanggap na insentibo at bawat pagdiriwang ng kaarawan ay may matatanggap din na regalo. Kapag umabot na sa isandaang taong kaarawan ay makakatanggap ng 30,00 cash incentive.

Sa kabuuan ay 230,000 pesos ang matatanggap ng centenarian sa Dupax del Norte dahil 100,000 pesos na cash incentive ang manggagaling sa pamahalaang panlalawigan at 100,000 pesos din mula sa pambansang pamahalaan.

Sinabi ni Mayor Cayton na medyo mahina na si lola Maria kaya ang nakausap nila ay ang kanyang mga anak.

Batay sa pahayag ng kanyang mga anak, ang pagkain ng mga sariwang prutas at gulay ang sikreto niya kaya naabot ang mahigit isandaang taong gulang.

Malusog ngayon si Ginang Atibew ngunit sakaling magkasakit ay sinabihan niya ang kanyang mga anak na agad silang makipag-ugnayan sa pamahalaang lokal para mabigyan ng medical assistance.